Martes, Oktubre 9, 2012

Supreme Student Council Fee: ISKO AT ISKA, MAGKANO ANG BINABAYARAN MO?


    Alam mo ba na ang aktwal na binabayarang SSC Fee ng bawat Iskolar ng Bayan ay 50 pesos lamang? Nagtaka ka ba nang pagpunta mo sa SSC Office ay P60 na ang sinisingil sa’yo? Ito ay resulta ng SAMPUNG PISOng (P10) karagdagang bayarin na ipinatong ng kasalukuyang administrasyon ni SSC Pres. Mike Jhune Amparo.  Sa unang tingin ay napakaganda ng hakbanging ito ng SSC dahil matutulungan umano ang mga Iskolar ng Bayan na lumalahok sa mga kompetisyon sa labas ng paaralan tulad ng Street Dancing at LUCTAA. Ngunit kung susuriin natin, makikita natin ang kasablayan ng aksyong ito.

    Katulad ng nabanggit sa itaas, nitong pasukan ng unang semestre ay nagtaas ang SSC Fee kung saan ay ginawang P10 ang dating P5 na Academic Support at ipinatupad ang karagdagang P5 para sa Cultural Competition Fee. Ang mga dagdag bayaring ito ay suhestyon ng administrasyon ng PUP Lopez, at anila ay naaprubahan ng PUP Main. Bagama’t “ligal” umano ang hakbanging ito sa administrasyon, iligal ito sa Constitution and Bylaws ng SSC. At iligal ito sa hanay ng mga estudyante.

    Una, nakasaad sa Constitution and Bylaws (Source of Fund) ng SSC na tanging ang P15 lamang, o ang bayarin sa Membership Fee, ang obligadong bayaran ng bawat isang estudyante. P5 lamang ang academic support fee at P30 ang fund raising fee, at ang dalawang ito ay pawang opsyunal at maaaring hindi bayaran.

    Pangalawa, kapag irerebisa ang Konstitusyon ng Supreme Student Council ay dapat magkaroon ng konsultasyon sa mga myembro ng SSC. At kung tatanungin mo ako kung sino ang mga myembrong tinutukoy ko, malugod kong ipinapaalam sa‘yo na IKAW yun! Lahat ng estudyanteng nagbabayad ng P15 “Membership Fee” ay myembro ng SSC. Ibig sabihin, kailangan kang konsultahin muna bago irebisa ang Konstitutsyon ng SSC. Kung irarason nilang SILA ang opisyal, (at ibig sabihin nito ay ipinagkakatiwala mo na sa kanila ang  iyong magiging desisyon) at sila ang magpapasya, ibang usapan na yun.

    Pangatlo, ginawa nila itong sapilitan o compulsory sa karamihan. Gaya ng una kong hinayag, P15 (Membership Fee) lamang ang obligasyon mong bayaran. Ngunit ayon sa ilan naming nakapanayam, mariing ipinagpipilitan ng SSC na buo (P60, actually, hindi ito buo, ito ay SOBRA) ang ibayad nila. Labag din ito sa sinasaad ng Section 3.9 ng 2007 Revised Edition ng University Student Hand Book na nagsasaad na “No compulsory collection of fees on books, manuals, modules, tickets and the like which are not approved by the Board of Regents.”

    At ang pinaka-huling dahilan kung bakit iligal ang hakbanging ito ng SSC: Hindi nila nirebisa ang Constitution and Bylaws ng Supreme Student Council bago nila ito ipinatupad. Sa madaling sabi, nauna ang implementation bago ang revision.

    Kung tatanungin mo ang iyong sarili, nararamdaman mo ba ang pagiging myembro mo ng SSC? Kinukunsulta ka ba nila sa tuwing may hakbangin silang “concerned” ka? Kung “hindi” ang sagot mo, ito’y malinaw na manipestasyon na ang kasalukuyang nanunungkulang opisyales ng KONSEHO ng MAG-AARAL ay hindi PARA SAYO, HINDI PARA SA MGA MAG-AARAL. Nagkamali ba tayo sa pagpili sa kanila? Nakapili nga ba tayo? Naiintindihan namin na gusto ng SSC ng maraming proyektong ipapangalan sa kanila, at ipapangalandakang “nagawa” umano ng kanilang administrasyon (na sa aktwal ay dapat nakapangalan ito sa mga estudyante. Btw, narinig mo na ba ang Anti-Epal Bill?). Sana ay isipin muna nila ang kalagayan ng napakaraming mahihirap na Iskolar ng Bayan sa PUP Lopez. Dapat patunayan ng SSC na isa sila sa “mahihirap” napinagsisilbihan nila sa pamamagitan ng pagdamay at pakikinig sa mga hinaing na hindi man lang masabi ng mga naghihikahos na estudyanteng sinisingil nila ng sobra-sobra. Oo, sobra-sobra!

    Dapat tuparin ng bawat opisyal ng SSC ang ipinangako nila noong kanilang inagurasyon na pagtalima sa Saligang Batas. Kung hindi nila ito gagawin sa kagyat na panahon (actually, tapos na ang “kagyat”, gawin nalang nating “bago mahuli ang lahat”), mawawalan ng tiwala sa kanila ang mga estudyanteng nagpahiram sa kanila ng kanilang mga posisyon. Tungkulin ng bawat isang opisyal ng SSC, uulitin ko, NG BAWAT ISANG OPISYAL NG SSC na makialam sa mga ganitong usapin, no exemptions, presidente ka man o konsehal. Hindi nila pwedeng idahilan na “hindi namin alam” at “hindi kami involved”. Dapat taglayin ng Supreme Student Council ang katangiang palaban, hindi yung oo nalang ng oo sa mga dikta sa kanila, at dapat nilang pangatawanan ang pagiging REPRESENTANTE at TAGADALA ng interes ng mayorya ng mga estudyante, hindi ng kung sinumang naghaharing uri.

    Isko at Iska, sa susunod na magbabayad tayo ng SSC Fee, humingi tayo ng kaukulang dokumento, at kung wala silang maihaharap na matinong papeles na nagsasabing “aprubado mo ang karagdagang bayarin”, tayo na mismo ang gumawa ng tamang bagay, bayaran natin kung magkano lang ang makatuwirang bayaran, sumunod tayo sa sinasaad ng Konstitusyon ng Kataastaasang Konseho ng Mag-aaral, at tanungin natin sila sa kung paano nila ganap na maipagtatanggol ang ating mga karapatan. Dapat nila tayong kampihan, hindi kung-ituring ay gatasan o “source of fund” lang.[PiNAKBET]

“Sa panahong nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin, 
Supreme Student Council,
MAKIKISABAY KA PA BA?”

Walang komento: