Huwebes, Oktubre 11, 2012

Public Apology

    Humihingi kami ng paumanhin kung sa apat na pahinang publikasyong ito ay pilit naming pinagkakasya ang aming mga artikulo. Ngunit higit sa kakulangan ng pahina, inihihingi namin ng paumanhin ang limitadong pagbibigay namin ng impormasyon.

    Sa unang isyung ito ng The Epitome 2.0, nais naming ipabatid sa buong komunidad ng PUP na hindi katanggap-tanggap ang halos apat na taong kawalan ng pahayagang pangkampus sa PUP Lopez. Matagal na kaming nagtiis. Matagal na kaming naghintay. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na walang sumisirkulong pahayagan sa ating Sintang Paaralan. Ang maliit na proyektong ito, ang The Epitome 2.0, ay ang pansamantalang magpapatuloy ng laban para sa karapatan sa impormasyon at pamamahayag ng mga Iskolar ng Bayan habang hindi pa naibabalik sa proseso ang The Epitome, opisyal na pahayagang pangkampus ng PUP Lopez.
    Kaya naman hinihingi ng 2.0 ang suporta ng bawat Iskolar ng Bayan sa kampanya ng pagbabalik ng The Epitome. Maraming taon ding nagbigay ng serbisyo ang pahayagang ito sa pamamagitan ng pagmulat sa mga mag-aaral ng PUP sa tunay na sistema ng edukasyon at maging ng lipunan. Marapat lamang siguro na ipaglaban hindi lamang ng 2.0, kundi maging ng buong komunidad ng PUP ang pagbabalik ng The Epitome.
    Habang hindi pa natin naaabot ang tagumpay na ito, patuloy pa rin kaming magmumulat at maglalantad ng maling sistemang umiiral sa pamantasan, maging sa lipunan. At ito ang kaylan ma'y hindi namin ihihingi ng paumanhin. [WaitForIt]
"The Iskolar ng Bayan deserves more than four pages!"

Walang komento: