Huwebes, Oktubre 11, 2012

NOTES ON: Kahalagahan ng Pagkakaroon ng Student Publication


    “Napakahalaga ng isang publikasyong pangkampus sa isang Unibersidad. Sa atin naririnig ng administrasyon ang mga kariingan ng mga mag-aaral nito. Gayundin, nailalantad ng mga publikasyon ang mga maling gawi ng mga administrador at ang bulok na sistema kung saan ito nakapaloob. Sa ating maingat, masusi ngunit palabang pagsulat bumabatay ang bawat isa sa komunidad ng ating mga pamantasan sa mga aksyong maaari nilang gawin sa kasalukuyang panahon ng tumitinding krisis sa ating
lipunan.”
-Maybelle Gormate, Editor-in-Chief, The Catalyst, PUP Sta. Mesa

    “Malaki ang ginagampanang tungkulin ng isang pahayagan sa loob at labas ng paaralan. Maraming Iskolar ng bayan ang namumulat sa iba't ibang isyung pampaaralan. Maging sa mamamayan sa labas ng paaralan ay nabibigyan ng sapat na impormasyon tungkol sa bayan. At higit sa lahat ito ay nagsisilbing boses ng mga iskolar ng bayan at mamamayan sa ating paaralan at komunindad.”
-Catherine Rufo, Editor-in-Chief 2008-2009, THE EPITOME, PUP Lopez

    “Sa pamamagitan ng mga pangkampus na pahayagan, nagkakaroon ang bawat mag-aaral—partikular ang mga student journalists—ng pagkakataong maihayag sa kapwa mag-aaral ang mga impormasyong hindi agad napaparating sa kanila. Gayundin, nagkakaroon ng daan ang mga mag-aaral upang maihayag ang kanilang mga saloobin at hinaing patungkol sa mga isyu na kanilang dinaranas sa loob ng kampus. Ang Campus Press din ang kaagapay ng mga mag-aaral upang higit na maunwaan ang mga pangyayaring nagaganap sa kanilang paaralan.”
-Raynell A. Inojosa, Editor-in-Chief, THE LUZONIAN, MSEUF

    “Malaki ang ginagampanang tungkulin ng bawat pahayagang pangkampus sa loob ng kanyang paaralan. Sa kabila ng "feel-good" ambiance na ipinapalunok ng admin sa kanyang mag-aaral at ng estado sa kabataan, naririyan ang pahayang pangkampus upang ihatid ang iba pang posibleng anggulo ng isang isyu na maaring ikinukubli upang panatilihin ang status quo. Naririyan ang pahayagang pangkampus bilang alternatibong midyum kung saan ang pangunahin nitong mambabasa - mga mag-aaral - ay magkakaroon ng pagkakataong ilabas ang kanilang saloobin.”
-Donnadette S.G. Belza,  Editor-in-Chief, THE TORCH, PNU Manila

(I-download ang unang release ng The Epitome 2.0!)