Huwebes, Oktubre 11, 2012

NOTES ON: Kahalagahan ng Pagkakaroon ng Student Publication


    “Napakahalaga ng isang publikasyong pangkampus sa isang Unibersidad. Sa atin naririnig ng administrasyon ang mga kariingan ng mga mag-aaral nito. Gayundin, nailalantad ng mga publikasyon ang mga maling gawi ng mga administrador at ang bulok na sistema kung saan ito nakapaloob. Sa ating maingat, masusi ngunit palabang pagsulat bumabatay ang bawat isa sa komunidad ng ating mga pamantasan sa mga aksyong maaari nilang gawin sa kasalukuyang panahon ng tumitinding krisis sa ating
lipunan.”
-Maybelle Gormate, Editor-in-Chief, The Catalyst, PUP Sta. Mesa

    “Malaki ang ginagampanang tungkulin ng isang pahayagan sa loob at labas ng paaralan. Maraming Iskolar ng bayan ang namumulat sa iba't ibang isyung pampaaralan. Maging sa mamamayan sa labas ng paaralan ay nabibigyan ng sapat na impormasyon tungkol sa bayan. At higit sa lahat ito ay nagsisilbing boses ng mga iskolar ng bayan at mamamayan sa ating paaralan at komunindad.”
-Catherine Rufo, Editor-in-Chief 2008-2009, THE EPITOME, PUP Lopez

    “Sa pamamagitan ng mga pangkampus na pahayagan, nagkakaroon ang bawat mag-aaral—partikular ang mga student journalists—ng pagkakataong maihayag sa kapwa mag-aaral ang mga impormasyong hindi agad napaparating sa kanila. Gayundin, nagkakaroon ng daan ang mga mag-aaral upang maihayag ang kanilang mga saloobin at hinaing patungkol sa mga isyu na kanilang dinaranas sa loob ng kampus. Ang Campus Press din ang kaagapay ng mga mag-aaral upang higit na maunwaan ang mga pangyayaring nagaganap sa kanilang paaralan.”
-Raynell A. Inojosa, Editor-in-Chief, THE LUZONIAN, MSEUF

    “Malaki ang ginagampanang tungkulin ng bawat pahayagang pangkampus sa loob ng kanyang paaralan. Sa kabila ng "feel-good" ambiance na ipinapalunok ng admin sa kanyang mag-aaral at ng estado sa kabataan, naririyan ang pahayang pangkampus upang ihatid ang iba pang posibleng anggulo ng isang isyu na maaring ikinukubli upang panatilihin ang status quo. Naririyan ang pahayagang pangkampus bilang alternatibong midyum kung saan ang pangunahin nitong mambabasa - mga mag-aaral - ay magkakaroon ng pagkakataong ilabas ang kanilang saloobin.”
-Donnadette S.G. Belza,  Editor-in-Chief, THE TORCH, PNU Manila

(I-download ang unang release ng The Epitome 2.0!)

Polytechnic of the Philippines: ain't no UNIVERSITY without The Epitome


    Isko/Iska, payag ba kayong Polytechnic of the Philippines nalang ang itawag natin sa ating Sintang Paaralan?

    Ang sagwa diba? Hindi magandang pakinggan. Pero wala kayong magagawa. Sa ayaw at gusto nyo, eto na ang reyalidad ng buhay ng mga Iskolar ng Bayan sa P*P Lopez, Quezon.

    Kung tutuusin, applicable pa ngang Polytechnic of the Philippines nalang ang itawag sa PUP Lopez eh. Pano ko nasabi? Simple lang. Mag-aapat na taon na kasi tayong P*P, as in “pipi”. Mag-aapat na taon na tayong walang boses sa loob ng ating sariling  pamantasan. Natuyo na lang ang laway natin sa represibong katahimikan sa mag-aapat na taon nang kawalan ng malayang pahayagan! Nakakahinga pa ba kayo?

    Para tayong teleponong walang mouthpiece. Para tayong jumejebs ng pagkalaki-laking jebs sa isang public C.R., gusto nating sumigaw pero hindi natin magawa.

    Isang kakilala mula sa ibang paaralan ang minsang nagbitaw ng komento: "Hindi na kayo university, kasi wala na kayong student publication". Ang masakit pa nyan, totoo ang sinabi nya. Hindi na nga naman matatawag na pamantasan (university) ang isang institusyong walang free market of ideas? Hindi nga naman matatawag na unibersidad ang isang paaralang walang boses at hindi naipapahayag ang ang mga hinaing at saloobin ng mga estudyante nito.

    Noong 2010, sinubukang muling magtayo ng Official Student Publication sa P*PLQ sa pangalang ANG BAGWIS. Ang totoo nyan, nakagawa na ng bagong Constitution and Bylaws at aprubado na ito sa PUP Sta. Mesa. Nakapagpa-exam na din para sa mga bagong Editorial Board at Staff Writers. Pero nangyari ang isang redundantly unf*ckingbelievable na pangyayari. Hindi pinayagang lumipad ang Ang Bagwis, kaya naman napabayaan ito at naging feather duster nalang. Hanggang sa kasalukuyan (2012 na! magugunaw na lang ang mundo), wala pa rin tayong hawak na dyaryo na tayo ang may-akda.

    Ewan ko sa inyo, pero ayokong mag-aral sa Polytechnic of the Philippines! Sabi nga ni Dylan Thomas, "Rage, rage against the dying of the light." Kaya naman binabawi ko na ang sinabi ko kaninang "wala kayong magagawa." Malaki ang magagawa natin, mga Isko at Iska, kung tayo ay sama-sama. Muli nating ibalik ang UNIVERSITY sa PUP. Ibalik natin ang The Epitome! [BLiTZ]

Public Apology

    Humihingi kami ng paumanhin kung sa apat na pahinang publikasyong ito ay pilit naming pinagkakasya ang aming mga artikulo. Ngunit higit sa kakulangan ng pahina, inihihingi namin ng paumanhin ang limitadong pagbibigay namin ng impormasyon.

    Sa unang isyung ito ng The Epitome 2.0, nais naming ipabatid sa buong komunidad ng PUP na hindi katanggap-tanggap ang halos apat na taong kawalan ng pahayagang pangkampus sa PUP Lopez. Matagal na kaming nagtiis. Matagal na kaming naghintay. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na walang sumisirkulong pahayagan sa ating Sintang Paaralan. Ang maliit na proyektong ito, ang The Epitome 2.0, ay ang pansamantalang magpapatuloy ng laban para sa karapatan sa impormasyon at pamamahayag ng mga Iskolar ng Bayan habang hindi pa naibabalik sa proseso ang The Epitome, opisyal na pahayagang pangkampus ng PUP Lopez.
    Kaya naman hinihingi ng 2.0 ang suporta ng bawat Iskolar ng Bayan sa kampanya ng pagbabalik ng The Epitome. Maraming taon ding nagbigay ng serbisyo ang pahayagang ito sa pamamagitan ng pagmulat sa mga mag-aaral ng PUP sa tunay na sistema ng edukasyon at maging ng lipunan. Marapat lamang siguro na ipaglaban hindi lamang ng 2.0, kundi maging ng buong komunidad ng PUP ang pagbabalik ng The Epitome.
    Habang hindi pa natin naaabot ang tagumpay na ito, patuloy pa rin kaming magmumulat at maglalantad ng maling sistemang umiiral sa pamantasan, maging sa lipunan. At ito ang kaylan ma'y hindi namin ihihingi ng paumanhin. [WaitForIt]
"The Iskolar ng Bayan deserves more than four pages!"

THE EPITOME MONOLOGUE


    Nasaan na ang demokrasya? Nasan na ang kalayaan? Nasaan na ang aking karapatan ng malayang pagpapahayag? Pinutol mo ang aking dila. Huwag namang pati ang aking bibig ay kunin mo pa sa akin.

    Pinutol mo ang dila ko ng ipatigil mo ang aking operasyon noong taong 2009. Ipinag-kait mo sa akin at sa aking mga mambabasa ang pagkakataong maibulalas ang aming hinaing at paghihimutok. Bakit mo ginawa ‘to samin? Ano ba ang gusto mo? Ni hindi ako kilala ng mga bunso mong anak! Natatakot ka bang ihayag ko ang aking nalalaman tungkol sa kabulukan ng sistemang pinaiiral at status quo na prinoprotektahan mo? Nababahag  ba ang buntot mo kapag ginigising ko ang diwang mapanuri at diwang palaban ng mga iskolar ng bayan? Palaban laban sa katiwalian, palaban laban sa kaapihan. Natatakot ka ba sa libong estudyanteng nakakuyom ang kamao’t nakasuntok sa langit?

    Matagal na nilang hinihintay ang pagbabalik ko! Matagal na nilang inaasam ang muli kong pagbangon, ng Student Publication, sa Sintang Paaralan! Nakabatay ang kalayaan ng isang lipunan sa kung gaano kalayang naipapahayag ang hinaing ng nakararami; at ang mga kinikilos mo ay manipestasyon ng iyong mariing pagtutol sa kalayaan, sa pagpapahayag, sa demokrasya.

    Sa isang kapirasong papel ay ipagpapatuloy ko ang aking paglaban. Alam kong magagalit ka sa hakbangin kong ito, pero hindi ako titigil. Hindi ako titigil hanggat naghahari ang sistemang patuloy na nagpapahirap at bumubusabos sa mga anak mo, sa mga anak ng bayan. Hindi ako pasisiil hanggat kaya kong iwasiwas ang aking panulat . Patuloy akong lalaban. Patuloy akong lalaban! At hindi mo ako magagapi! [GOTHiKA]

Martes, Oktubre 9, 2012

Supreme Student Council Fee: ISKO AT ISKA, MAGKANO ANG BINABAYARAN MO?


    Alam mo ba na ang aktwal na binabayarang SSC Fee ng bawat Iskolar ng Bayan ay 50 pesos lamang? Nagtaka ka ba nang pagpunta mo sa SSC Office ay P60 na ang sinisingil sa’yo? Ito ay resulta ng SAMPUNG PISOng (P10) karagdagang bayarin na ipinatong ng kasalukuyang administrasyon ni SSC Pres. Mike Jhune Amparo.  Sa unang tingin ay napakaganda ng hakbanging ito ng SSC dahil matutulungan umano ang mga Iskolar ng Bayan na lumalahok sa mga kompetisyon sa labas ng paaralan tulad ng Street Dancing at LUCTAA. Ngunit kung susuriin natin, makikita natin ang kasablayan ng aksyong ito.

    Katulad ng nabanggit sa itaas, nitong pasukan ng unang semestre ay nagtaas ang SSC Fee kung saan ay ginawang P10 ang dating P5 na Academic Support at ipinatupad ang karagdagang P5 para sa Cultural Competition Fee. Ang mga dagdag bayaring ito ay suhestyon ng administrasyon ng PUP Lopez, at anila ay naaprubahan ng PUP Main. Bagama’t “ligal” umano ang hakbanging ito sa administrasyon, iligal ito sa Constitution and Bylaws ng SSC. At iligal ito sa hanay ng mga estudyante.

    Una, nakasaad sa Constitution and Bylaws (Source of Fund) ng SSC na tanging ang P15 lamang, o ang bayarin sa Membership Fee, ang obligadong bayaran ng bawat isang estudyante. P5 lamang ang academic support fee at P30 ang fund raising fee, at ang dalawang ito ay pawang opsyunal at maaaring hindi bayaran.

    Pangalawa, kapag irerebisa ang Konstitusyon ng Supreme Student Council ay dapat magkaroon ng konsultasyon sa mga myembro ng SSC. At kung tatanungin mo ako kung sino ang mga myembrong tinutukoy ko, malugod kong ipinapaalam sa‘yo na IKAW yun! Lahat ng estudyanteng nagbabayad ng P15 “Membership Fee” ay myembro ng SSC. Ibig sabihin, kailangan kang konsultahin muna bago irebisa ang Konstitutsyon ng SSC. Kung irarason nilang SILA ang opisyal, (at ibig sabihin nito ay ipinagkakatiwala mo na sa kanila ang  iyong magiging desisyon) at sila ang magpapasya, ibang usapan na yun.

    Pangatlo, ginawa nila itong sapilitan o compulsory sa karamihan. Gaya ng una kong hinayag, P15 (Membership Fee) lamang ang obligasyon mong bayaran. Ngunit ayon sa ilan naming nakapanayam, mariing ipinagpipilitan ng SSC na buo (P60, actually, hindi ito buo, ito ay SOBRA) ang ibayad nila. Labag din ito sa sinasaad ng Section 3.9 ng 2007 Revised Edition ng University Student Hand Book na nagsasaad na “No compulsory collection of fees on books, manuals, modules, tickets and the like which are not approved by the Board of Regents.”

    At ang pinaka-huling dahilan kung bakit iligal ang hakbanging ito ng SSC: Hindi nila nirebisa ang Constitution and Bylaws ng Supreme Student Council bago nila ito ipinatupad. Sa madaling sabi, nauna ang implementation bago ang revision.

    Kung tatanungin mo ang iyong sarili, nararamdaman mo ba ang pagiging myembro mo ng SSC? Kinukunsulta ka ba nila sa tuwing may hakbangin silang “concerned” ka? Kung “hindi” ang sagot mo, ito’y malinaw na manipestasyon na ang kasalukuyang nanunungkulang opisyales ng KONSEHO ng MAG-AARAL ay hindi PARA SAYO, HINDI PARA SA MGA MAG-AARAL. Nagkamali ba tayo sa pagpili sa kanila? Nakapili nga ba tayo? Naiintindihan namin na gusto ng SSC ng maraming proyektong ipapangalan sa kanila, at ipapangalandakang “nagawa” umano ng kanilang administrasyon (na sa aktwal ay dapat nakapangalan ito sa mga estudyante. Btw, narinig mo na ba ang Anti-Epal Bill?). Sana ay isipin muna nila ang kalagayan ng napakaraming mahihirap na Iskolar ng Bayan sa PUP Lopez. Dapat patunayan ng SSC na isa sila sa “mahihirap” napinagsisilbihan nila sa pamamagitan ng pagdamay at pakikinig sa mga hinaing na hindi man lang masabi ng mga naghihikahos na estudyanteng sinisingil nila ng sobra-sobra. Oo, sobra-sobra!

    Dapat tuparin ng bawat opisyal ng SSC ang ipinangako nila noong kanilang inagurasyon na pagtalima sa Saligang Batas. Kung hindi nila ito gagawin sa kagyat na panahon (actually, tapos na ang “kagyat”, gawin nalang nating “bago mahuli ang lahat”), mawawalan ng tiwala sa kanila ang mga estudyanteng nagpahiram sa kanila ng kanilang mga posisyon. Tungkulin ng bawat isang opisyal ng SSC, uulitin ko, NG BAWAT ISANG OPISYAL NG SSC na makialam sa mga ganitong usapin, no exemptions, presidente ka man o konsehal. Hindi nila pwedeng idahilan na “hindi namin alam” at “hindi kami involved”. Dapat taglayin ng Supreme Student Council ang katangiang palaban, hindi yung oo nalang ng oo sa mga dikta sa kanila, at dapat nilang pangatawanan ang pagiging REPRESENTANTE at TAGADALA ng interes ng mayorya ng mga estudyante, hindi ng kung sinumang naghaharing uri.

    Isko at Iska, sa susunod na magbabayad tayo ng SSC Fee, humingi tayo ng kaukulang dokumento, at kung wala silang maihaharap na matinong papeles na nagsasabing “aprubado mo ang karagdagang bayarin”, tayo na mismo ang gumawa ng tamang bagay, bayaran natin kung magkano lang ang makatuwirang bayaran, sumunod tayo sa sinasaad ng Konstitusyon ng Kataastaasang Konseho ng Mag-aaral, at tanungin natin sila sa kung paano nila ganap na maipagtatanggol ang ating mga karapatan. Dapat nila tayong kampihan, hindi kung-ituring ay gatasan o “source of fund” lang.[PiNAKBET]

“Sa panahong nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin, 
Supreme Student Council,
MAKIKISABAY KA PA BA?”