Huwebes, Oktubre 11, 2012

THE EPITOME MONOLOGUE


    Nasaan na ang demokrasya? Nasan na ang kalayaan? Nasaan na ang aking karapatan ng malayang pagpapahayag? Pinutol mo ang aking dila. Huwag namang pati ang aking bibig ay kunin mo pa sa akin.

    Pinutol mo ang dila ko ng ipatigil mo ang aking operasyon noong taong 2009. Ipinag-kait mo sa akin at sa aking mga mambabasa ang pagkakataong maibulalas ang aming hinaing at paghihimutok. Bakit mo ginawa ‘to samin? Ano ba ang gusto mo? Ni hindi ako kilala ng mga bunso mong anak! Natatakot ka bang ihayag ko ang aking nalalaman tungkol sa kabulukan ng sistemang pinaiiral at status quo na prinoprotektahan mo? Nababahag  ba ang buntot mo kapag ginigising ko ang diwang mapanuri at diwang palaban ng mga iskolar ng bayan? Palaban laban sa katiwalian, palaban laban sa kaapihan. Natatakot ka ba sa libong estudyanteng nakakuyom ang kamao’t nakasuntok sa langit?

    Matagal na nilang hinihintay ang pagbabalik ko! Matagal na nilang inaasam ang muli kong pagbangon, ng Student Publication, sa Sintang Paaralan! Nakabatay ang kalayaan ng isang lipunan sa kung gaano kalayang naipapahayag ang hinaing ng nakararami; at ang mga kinikilos mo ay manipestasyon ng iyong mariing pagtutol sa kalayaan, sa pagpapahayag, sa demokrasya.

    Sa isang kapirasong papel ay ipagpapatuloy ko ang aking paglaban. Alam kong magagalit ka sa hakbangin kong ito, pero hindi ako titigil. Hindi ako titigil hanggat naghahari ang sistemang patuloy na nagpapahirap at bumubusabos sa mga anak mo, sa mga anak ng bayan. Hindi ako pasisiil hanggat kaya kong iwasiwas ang aking panulat . Patuloy akong lalaban. Patuloy akong lalaban! At hindi mo ako magagapi! [GOTHiKA]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento